Mabuhay! 

Ngayon ay Biyernes, Enero katorse taong 2022.

Kayo ay nakikinig sa Balitang Pilipinas sa Tagalog.com

Sa ating pangunahing balita:

(1) Mga hindi bakunado sa Metro Manila, pagbabawalang sumakay sa pampublikong transportasyon.

(2) Prangkisa ng dalawang kumpanya ng tubig, pinalawig pa 

(3) Puso ng baboy, inilipat sa tao 

Bawal nang sumakay sa anumang uri ng pampublikong transportasyon sa Metro Manila ang mga walang bakuna laban sa Covid-19 makaraang ipatupad ng Department of Transportasyon o DOTR ang “no vaccination, no ride” policy.

Ang kautusan ng DOTR ay ipapatupad simula sa Enero disisiete at nakakasakop sa lahat ng sasakyang pampublikong bumabiyahe papunta at mula sa loob ng National Capital Region sa pamamagitan ng lupa, riles, katubigan at eroplano.

Hindi naman kasali sa kautusan ang mga indibidwal na may medical condition na hindi puwedeng saksakan ng Covid-19 vaccine.

Gayunman, kailangan silang magharap ng certification at numero ng kanilang doktor.

Hindi rin kasali sa kautusan ang mga taong bibili ng mahahalagang gamit at serbisyo tulad ng pagkain at gamot.

Pero kailangang may ipakita silang health pass mula sa barangay o iba pang pruweba para suportahan ang kanilang paglabas.

Dalawampu’t walo pang mga lugar sa Pilipinas ang isinailalim sa Alert Level 3 simula ngayong Enero katorse hanggang a treinta’y uno.

Kabilang sa mga lugar na inilagay sa mas mataas na Alert Level 3 ay ang Benguet, Kalinga, Abra, La Union, Ilocos Norte, Pangasinan, Nueva Vizcaya, Isabela, Quirino, Nueva Ecija, Tarlac, Quezon Province, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Camarines Sur at Albay sa Luzon.

Ang iba pang lugar na inilagay sa Alert Level 3 ay ang Bacolod City, Aklan, Capiz, Antique, Cebu City, Mandaue City, Tacloban City, Cagayan de Oro City, Davao City, Butuan City, Agusan del Sur at Cotabato City. 

Ang National Capital Region, Laguna, Bulacan, Cavite at Rizal ay nasa Alert Level 3 hanggang Enero a kinse.

Makaraang suspindihin ang nakaugaliang prusisyon at Misa para sa Itim na Nazareno noong Enero a nuwebe, suspendido na rin ang anumang kasiyahan o pisikal na aktibidad na may kinalaman sa piyesta ng Santo Niño ngayong Enero disisais.

Magsasagawa na lamang ng online Masses ang mga simbahan kaugnay ng kapistahan.

Samantala mananatiling sarado ang Quiapo church hanggang sa Enero beinte sais upang maiwasan ang hawahan ng mga deboto sa Covid-19.

Sa Maynila, nagdeklara ng health break ang pamahalang lungsod mula sa online at physical classes para sa mga estudyante ng siyudad simula Enero katorse hanggang beinte uno.

Ang isang linggong suspension ng klase ay para sa lahat ng levels, online at physical classes, sa lahat ng pribado at pampublikong eskwelahan sa siyudad.

Ito ay bunga ng tumataas na kaso ng Covid-19 sa mga guro at estudyante.

Humigit kumulang sa isandaang libo ang naka-pending na visa ng mga Filipino health workers na ipapadala sa Estados Unidos.

Ayon kay Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez, ang mga ito ay mga nurses na naaprubahan nang makalipad sa Amerika sa gitna ng napakalaking pangangailangan para sa health workers sa Amerika bunga ng mataas na impeksyon ng Covid-19.

Sa kasalukuyan ay mayroong isandaan at limampung libo hanggang dalawandaang libong mga Pilipinong health workers sa Amerika.

Nagkakaubusan din ng health workers sa mga pagamutan lalo na sa Metro Manila dahil sa tumataas na impeksyon ng Covid na nakakaapekto mismo sa mga manggagawa sa ospital.

Ang Philippine National Police o PNP ay magtatalaga ng mga pulis na magbibigay ng proteksyon sa lahat ng mga mangaggawa sa media, lalo na sa panahong ito ng eleksyon. 

Ang Department of Interior and Local Government ang nag-utos sa  PNP na magtalaga ng Media Security Focal Persons sa mga probinsiya at siyudad sa buong bansa.

Kamakailan lang, isang tatlumpu’t anim na taong gulang na komentarista sa radyo at dating manager ng istasyon, na tumatakbo rin sa halalan sa Lambayong, Sultan Kudarat ang binaril hanggang sa mamatay.

Si Jaynard Angeles, dating station manager ng Radyo ni Juan FM, ay naghihintay sa kanyang sasakyan sa tapat ng isang pagawaan ng sasakyan, nang siya ay barilin ng dalawang kataong nakasakay sa motorsiklo. Nagta-trabaho pa siya noon bilang komentarista sa Radyo ni Juan nang siya ay barilin.

Pinayagan ng Commission on Elections ang pagsasagawa ng kampanya online ng mga kandidato sa eleksyon ngayong 2022.

Sa Resolusyon numero 10730 o ang Rules and Regulations Implementing  Republic Act 9006 o ang Fair Elections Act, sinabi ng Comelec na pinapayagan nila ang lahat ng tumatakbo na magsagawa  ng political meeting, rally at iba pang kaparehong aktibidad online.

Sinabi ng Comelec na mayroong ilang kondisyon ang kanilang pagpayag na ito katulad ng dapat ay magsumite ng recording ng e-rally sa Education and Information Department ng Comelec sa loob ng pitumpu at dalawang oras makaraan ang kanilang event.

Ang Comelec ang magbibigay ng Facebook Channel para sa libreng live streaming ng e-rallies ng mga national candidates simula Pebrero a otso.

Ang Campaign S.A.F.E. Comelec e-Rally Channel sa Facebook ang magbibigay ng libreng e-rally airtime sa lahat ng mga kandidato sa pagka-presidente, bise presidente, senador at representante ng party-list.

Sa balitang pangkalakalan…

Pinalawig pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang prangkisa ng Maynilad Water Services, Incorporated at Manila Water Company, Incorporated ng panibagong dalawampu’t limang taon. 

Ang Republic Act 11600 ay nagbigay sa Maynilad ng prangkisa para magtatag, magsagawa ng operasyon at imantina ang systema ng patubig, sewerage at sanitation services sa kanlurang bahagi ng Metro Manila at sa lalawigan ng Cavite.

Samantala, ang Republic Act 110601 naman ay nagbibigay ng prangkisa sa Manila Water para magsagawa ng operasyon sa silangang bahagi ng Metro Manila at lalawigan ng Rizal.

Balita sa ibayong dagat

Pinalipad ng North Korea ang isang pinaghihinalaang ballistic missile noong Martes, Enero a onse, mula sa isang inland area ng naturang bansa patungo sa karagatan sa silangan, ayon sa Joint Chiefs of Staff ng South Korea.

Ayon sa militar ng South Korea at Japanese coast guard, ito na ang ikalawa sa pinaghihinalaang missile launch ng North Korea sa loob lamang ng isang linggo.

Bumagsak diumano ito sa labas ng exclusive economic zone ng Japan.

Katatapos lang ng United Nations na talakayin kung paano tutugon sa isinagawang pagpapalipad din ng North Korea ng sinasabi nitong hypersonic missile noong isang linggo.

Noong Bagong Taon, ipinangako ng lider ng North Korea na si Kim Jong Un na palalakasin pa nila ang kanilang military bilang tugon sa nabinbing pakikipag-usap sa South Korea at Estados Unidos.

Balita sa palakasan…

Mahirap para sa Pilipinas na ulitin ang kanilang tagumpay sa Southeast Asian Games noong 2019 sa darating na palaro sa Vietnam makaraang mahinto ang paghahanda ng mga manlalaro dahil sa tumataas na kaso ng Covid-19 sa bansa.

Sinabi ni Philippine Olympic President Abraham Tolentino na naging isang malaking hamon ang pagkakahinto ng training sa contact sports nang mailagay sa Alert Level 3 ang Metro Manila.

Gayundin, ang pagkakatanggal ng arnis at obstacle sports ay makakabawas sa tsansa ng Pilipinas para sa mga medalya.

Ang Pilipinas ang nanguna sa medal tally sa 2019 SEA Games makaraang umani ng isandaan at apatnapu’t siyam na gintong medalya, samantalang pumangalawa naman ang Vietnam sa siyamnapu’t walong gintong medalya.

Ang Hanoi SEA Games, na dapat ay isasagawa noong 2021, ay gagawin ngayong Mayo.

Sa balitang showbiz

Ang sikat na action star na si Fernando Poe, Jr. ay mayroon nang kalyeng ipinangalan sa kanya.

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang batas na nagpapalit ng pangalan ng Roosevelt Avenue sa Quezon City sa pangalan ng namayapang aktor na si FPJ.

Ang halos tatlong kilometrong Roosevelt Avenue na nasa pagitan ng Epifanio de los Santos Avenue at Quezon Avenue ang kinaroroonan ng lumang bahay ni FPJ kung saan ito lumaki.

Ang Republic Act 11608, na kikilala na sa daan bilang Fernando Poe, Jr. Avenue, ay magiging ganap na batas labinlimang araw makalipas ang paglabas sa Official Gazette o sa isang pahayagan na may pangmalawakang sirkulasyon.

Sa balitang kakaiba…

Magdadalawang-isip ka na siguro bago kumain ng puso ng baboy ngayong nailagay na ito sa tao.

Sa kauna-unahang pagkakataon, nailagay ang puso ng baboy sa isang limampu’t pitong taong gulang na pasyenteng taga-Maryland.
 
Tagumpay ang mga siruhano ng Amerika sa pagkakalipat ng puso ng baboy sa pasyenteng si David Bennett, ayon sa University of Maryland Medical School.
 
Pero ito naman ay hindi ordinaryong puso ng baboy, dahil ito ay genetically modified para tumibok at tatanggapin ng katawan ng tao.

Ang puso ay mula sa isang baboy na binago ng American firm na Revivicor ang genes. 

Sa kabuuan, sampung genes ng baboy ang binago.

Apat sa genes na ito ay pinatulog kasama ang agresibong immune response, at ang isa naman ay ang makakapagpalaki sa puso ng baboy kapag na-transplant sa katawan ng tao.

Upang mapataas ang tsansa na tatanggapin ito ng katawan ng tao, may ipinasok na anim na human genes sa genome ng donor na baboy.

Umiinom ngayon ng immune-supressing medications ang pasyenteng si Bennett pero hindi pa rin naiaalis sa makinang sumusuporta sa trabaho ng puso at baga.

Ayon naman sa medical team, mas matimbang ang trabaho ng puso ng baboy kaysa sa makina at mukhang normal naman ito sa ngayon.

Matagal nang interesado ang mga manggagamot sa tinatawag na xenotransplantation o cross-species organ donation, kung saan may mga eksperimento nang isinagawa noong ika-labingpitong siglo.

Sinubukan na ang pag-transplant ng puso ng baboon sa isang bagong panganak na sanggol na tinawag na “Baby Fae” noong 1984, pero nabuhay lamang ang sanggol ng dalawampung araw.

At ‘yan ang kabuuan ng ating mga balita ngayong Enero katorse, taong 2022 para sa Tagalog.com

Basta sa balita, lagi kaming handa.